Naniniwala ang OCTA research group na mayroon nang community transmission ng delta variant sa National Capital Region.
Ayon kay Dr. Guido David, batay ito sa mga datos nitong nakalipas na araw kung saan maaaring may 300 bagong kaso ng delta variant na sumusulpot kada araw sa rehiyon.
Bagaman hindi pa kumpirmado, sinabi ni David na mas mabuti na ring mag-assume na mayroon ng community transmission upang mas lalo pang mag-ingat ang publiko at maiwasan ang pagkalat ng mas nakakahawang strain ng COVID-19.
Sa kabila nito, naniniwala si David na kung malulusutan ang pagkalat ng nasabing variant at marami ang mababakunahan kontra COVID-19 ay posible pa ring magkaroon ng masayang pasko ang mga mamamayan.
Sa datos ng Department of Health hanggang noong Miyerkules, nasa 216 delta variant cases na ang naitala sa bansa mula sa 9,725 samples na isinailalim sa genome sequencing—sa panulat ni Hya Ludivico