Bumubuo ng consensus ang Metro Manila mayors kung isasailalim ba sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o general community quarantine (GCQ) ang National Capital Region sa susunod na dalawang linggo.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na pinagpupulungan pa ng mga alkalde kung palalawigin pa ang MECQ o isasailalim na ang NCR sa GCQ.
Ipinabatid rin ni Teodoro na ipauubaya nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang magiging quarantine classification sa Metro Manila at ibang karatig na lalawigan.
Dagdag pa ng alkalde, kung ano man aniya ang magiging desisyon ng IATF ay makikiisa ang mga Metro Manila mayors rito.
Kung paiigtingin aniya ang health care system sa bansa ay maaaring isailalim sa GCQ ang NCR Plus Bubble.
Kailangan palakasin natin ang ating healthcare system, maging agaran ang contact tracing para sa ganoon maging mabilis ang detection and isolation. Isa pa ay yung hospitalization, utilization rate ng hospital at ICU beds natin ay kailangan na mas mapabuti pa natin. Kung magagawa natin to, tingin ko ay pwede tayong mag-GCQ,” ani Teodoro sa panayam ng Balitang Todong Lakas. —sa panulat ni Rashid Locsin