Malaki umano ang posibilidad na maisailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang National Capital Region (NCR) sa pasko.
Ito’y ayon kay Professor Ranjit Rye ng UP-OCTA Research team kung mapapanatili aniya ng Metro Manila ang pagbaba ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Rye na magandang maging target sa NCR na maging maluwag ang community quarantine pagsapit ng kapaskuhan para naman aniya kahit papaano ay maipagdiwang ito ng normal.
Kaya, aniya, hindi makabubuti kung mamadaliin ang pagluwag ng community quarantine sa kalakhang Maynila.
Sa ngayon umano ay mayroon namang nakikitang pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 ngunit hindi pa ito masasabing permanente kaya hindi pa dapat magpabaya at maging kumpiyansa.