Isang daang porsyento nang handa ang National Capital Region Police Office o NCRPO para sa traslacion ng Itim na Nazareno sa Martes.
Ayon kay NCRPO Chief Police Director Oscar Albayalde, higit 5,600 pulis ang ipakakalat nila sa Quiapo at sa mga katabing lugar.
Bukod pa ito sa isang batalyong sundalo mula sa Joint Task Force NCR at mga tauhan mula sa Special Action Force.
Magpoposte rin aniya sila ng mga sniper sa ilang gusali na dadaanan ng traslacion.
Sa ngayon aniya, naka-deploy na ang ilan sa mga ito bilang skeletal force.
Tiniyak naman ni Albayalde na hindi mapapabayaan ang ilang lugar ng Metro Manila kahit pa nakatutok sila sa Quiapo.
Wala naman aniya silang namo-monitor na anumang banta sa ngayon.
Random bag inspection
Iinspeksyunin ng mga pulis ang ilang mga bag ng mga magsisitungo sa Quiapo para sa traslacion.
Ayon kay Albayalde ito’y para matiyak na walang makalulusot na anumang banta sa seguridad sa Pista ng Nazareno.
Hindi naman aniya ipinagbabawal ang pagdadala ng pagkain at tubig.
Paalala ng pulisya sa mga lalahok at manonood ng personal sa traslacion, huwag pumunta nang lasing, huwag magdala ng mga maliliit na bata, huwag magsuot ng alahas, huwag nang magdala ng maraming pera at magagandang cellphone.
Ayon kay Albayalde, magpoposte sila ng 23 medical station sa mga daraanan ng prosisyon habang may nakaantabay na 65 ambulansya at 15 rescue boats para sa anumang emergency cases.
Magpapalipad din aniya ng drone ang mga pulis para bantayan ang sitwasyon ng traslacion.
—-