Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na bumuo na ng Special Investigation Task Force (SITG) ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para resolbahin ang malagim na pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Pahayag ni PNP Public Information Office (PIO) Chief Police Brig. General Roderick Augustus Alba, kasama ang SITG, ay tututukan ng Las Piñas City Police Station ang imbestigasyon.
Kasabay nito, nangako ang PNP na mabibigyan ng hustisya ang pagpatay kay Lapid.
Ayon kay Alba, sinisilip ng pulisya ang lahat ng anggulo upang matukoy kung ano ang motibo at kung sinu-sino ang may kagagawan nito para mapanagot sila sa batas.
“The PNP vows to bring justice to an attack against a member of the media industry. Investigation is underway to determine the culprits and motive of this case. A Special Investigation Task Force was already created by Las Piñas City Station of NCRPO to spearhead and coordinate the investigative and prosecutorial efforts of the PNP,” wika ni Alba.
Magugunitang nasawi si Lapid matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Aria St., Brgy. Talon 2, Las Piñas City kagabi.