Binalaan ni NCRPO o National Capital Region Police Office Chief Dir. Oscar Albayalde ang lahat ng mga pulis sa ilalim ng kaniyang nasasakupan na hindi ginagampanan ang kanilang mga tungkulin.
Ito’y makarang ma-aktuhan ni Albayalde ang ilang mga pulis na natutulog at nag-iinuman pa sa mismong himpilan ng pulisya habang sila’y naka-duty.
Batay sa post ni Albayalde sa kaniyang Facebook Page, maliban sa pagkasibak sa puwesto, mahaharap pa aniya ang mga ito sa kasong administratibo.
Kasunod nito, hinimok din ni Albayalde ang publiko na agad ipaalam sa kanila sa NCRPO kung mayruon silang makikitang maling ginagawa ng kanilang mga pulis.
Una rito, sinibak ni Albayalde ang mga Chief Of Police ng Pasay na si Sr/Supt. Dionisio Bartolome at Sr/Supt. Dante Novisio ng Muntinlupa City kung saan isinagawa ang kaniyang surprise inspection.
Giit ni Albayalde, dapat managot ang dalawang hepe ng pulisya alisunod na rin sa prinsipyo ng command responsibility dahil sa pagpapabaya sa tungkulin.
Samantala, tinanggal din sa puwesto ang hepe ng San Juan City PNP na si Sr/Supt. Lawrence Coop pero hindi dahil sa mga natutulog na pulis kung hindi sa kabiguan nitong maabot ang target performance matrix ng pambansang pulisya.
Posted by: Robert Eugenio