Walang natatanggap na direktang banta ang NCRPO o National Capital Region Police Office sa seguridad ng bansa kasabay ng isasagawang ASEAN Ministerial Meeting sa Lunes, Agosto 7.
Gayunman ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, hindi sila magpapaka-kampante lalo’t may mga lumulutang na ulat hinggil sa umano’y nilulutong pag-atake ng mga rebelde.
Kasunod nito, magpapakalat ang NCRPO ng 13,000 pulis na tututok sa 1,700 mga delegado at panauhin sa nasabing pagtitipon.
“Unang-una meron nang mga dumating na mangilan-ngilan, nasa 21 hotels ang babantayan natin, may mga balik-Islam sa Metro Manila pero hindi naman lahat ng balik-Islam ay radical o extremist ngunit tinitignan din natin yung pakikipag-affiliate ng mga rebelde sa mga threat groups kagaya ng Maute.” Ani Albayalde
Kasunod nito, nilinaw ni Albayalde na walang ipatutupad na lockdown o pagsasara ng kalsada sa panahon ng ASEAN Ministerial Meeting maliban na lamang sa gagawing parada sa Agosto 8.
“Wala tayong isasarang mga kalsada dahil yan ang mahigpit na bilin ng Pangulo, maliban sa August 8 na magkakaroon ng parada mula Luneta hanggang CCP, pansamantala during the parade at 4PM isasara yung patungong south ng Roxas Boulevard.” Pahayag ni Albayalde
By Jaymark Dagala | Ratsada Balita (Interview)