Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na isang mobile application ang kanilang gagamitin para sa mabilis na pagresponde sa anumang uri ng krimen at karahasan sa taumbayan.
Ayon kay NCRPO Acting Regional Dir. Pol. Brig. Gen. Jonnel Estomo, gagamit sila ng SAFE NCRPO app alert na siyang magiging sumbungan ng mga residente sa Metro Manila.
Sinabi ni Estomo na ito ang magiging susi upang mas mapabilis ang pag-uulat ng publiko at paghingi ng tulong sa kanilang ahensya.
Sisimulan ng NCRPO ang simulation exercise sa paggamit ng app sa Manila Police District (MPD) at Southern Police District (SPD) sa darating na November 14 na may layuning masuri ang kahandaan ng mga pulis sa pagtugon ng mga naitatalang insidente.
Nabatid na ang paggamit ng naturang mobile app ay may mga panuntunan upang hindi magamit sa panloloko at mapanatili ang impormasyon na siyang makakatulong para palakasin ang puwersa ng mga otoridad laban sa kriminalidad.
Sa pahayag ng project manager at consultant ng NCRPO na si Pol. Lt. Mark Cardas, konektado sa kanilang data system ang bawat indibidwal na magrerehistro sa nasabing app para mabilis na matukoy ang sinumang magtatangkang gagawa ng prank call sa ahensya.
Kasabay nito, namahagi ng mobile phones na may SAFE NCRPO app alert ang ahensya sa mga Station Tactical Operation Center (STOC) ng SPD at MPD.