Nakakasa na ang ilalatag na seguridad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ngayong pormal nang nagsimula ang “ber” months o panahon ng paghahanda para sa pasko.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni NCRPO Chief P/MGen. Guillermo Eleazar ang publiko na mag-ingat sa mga kriminal na posibleng umatake at manamantala sa panahong ito.
Ayon kay Eleazar, kadalasang aktibo ang mga kriminal ngayong panahong ito lalo na sa mga shopping center gayundin sa iba pang matataong lugar.
Dahil dito, inaasahan ng NCRPO na tataas ang insidente ng mga petty crimes tulad ng snatching, slashing, pandurukot, salisi at holdapan.
Gayunman, tiniyak ni Eleazar sa publiko na paiigtingin pang lalo nila ang police visibility sa mga istratehikong lugar lalo’t sunud – sunod na rin aniya ang mga okasyon na magsisimula sa buwan ng Nobyembre tulad ng Undas, Sea Games hanggang sa pagsapit ng buwan ng Disyembre.
Kasunod nito, sinabi ng NCRPO Chief na bukas naman sila sa pagsusuot ng santa hat ng mga pulis na nakaposte sa loob ng mga mall subalit kailangan muna itong ipagpaalam sa pamunuan ng PNP.