Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na paiigtingin pa nila ang pagbabantay lalo na ngayong nagsimula na ang ber-months.
Ayon kay NCRPO Spokesperson Dexter Versola, utos ni NCRPO Director Jonnel Estomo ang pagpapakalat ng 72 motorcycle unit mula sa Regional Mobile Force Batallion.
Binigyang-diin naman ni Versola na madaragdagan pa ito dahil sa mga ahensyang nais mag-abot ng karagdagang motorsiklo.
Mababatid na ang naturang kampanya ay tungo sa mas ligtas at mapayapang komunidad partikular tuwing kapaskuhan kung saan kadalasang tumataas ang krimen dahil maraming lumalabas ng bahay para mamili.
Dagdag pa ng tagapagsalita, mainam na unahan na nila ang masasamang loob upang mapigilan ang mga ito. – sa ulat ni Gilbert Perdez at sa Panulat ni Hannah Oledan