Handa na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa pagbabalik eskuwela ng libu-libong mga mag-aaral sa Metro Manila sa darating na Hunyo 3.
Ayon kay NCRPO Chief P. Maj/Gen. Guillermo Eleazar, aabot sa mahigit pitong 7,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa lahat ng mga paaralan sa Metro Manila para magbigay ng seguridad.
Kasabay nito, sinabi ni Eleazar na naglatag din sila ng mga pamamaraan kung paano sila haharap sa mga bomb threat bilang bahagi na rin ng kanilang hakbang pangseguridad.
Katunayan, inatasan na ni Eleazar ang kanilang explosives ordinance disposal units (EOD) na maging alerto upang tumugon sakaling may isang paaralan ang makatanggap ng nasabing banta.
Nakasaad aniya sa protocol na dapat ay mayruong isang tao na siyang tatanggap ng mga tawag o banta, tutukoy kung totoo o hindi ang impormasyon at siyang magbibigay alam sa pulisya hinggil dito.
Kasunod nito, nanawagan si Eleazar sa publiko na maging kalmado sakaling maharap sa ganitong uri ng sitwasyon lalo’t karamihan aniya sa mga bomb threat na kanilang natatanggap ay hindi totoo at layon lamang manakot.