Handa ang National Capital Region Police Office o NCRPO na harapin muli ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang mag-desisyon ito na ibalik ang Philippine National Police bilang lead agency sa war on drugs.
Ayon kay NCRPO Chief, Director Oscar Albayalde, suportado ng PNP ang pasya ni Pangulong Duterte lalo’t tumaas muli ang mga krimeng may kaugnayan sa iligal na droga gaya ng rape at murder.
Ito’y makaraang ipaubaya ng Punong Ehekutibo sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang kampanya kontra droga.
Nakita aniya ng Pangulo ang pangangailangan upang ibalik sa PNP ang war on drugs dahil walang kakayahan ang PDEA na mapigilan ang pagtutulak ng droga sa mga kalsada dahil sa kakulangan ng tauhan.
—-