Tiniyak ng NCRPO o National Capital Region Police Office ang kanilang kahandaan sa pagpapatupad ng peace and order sa Metro Manila.
Ito ang inihayag sa DWIZ ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde kasunod ng pagpasok ng ‘ber’ months na siyang hudyat ng sunud-sunod na okasyon tulad ng Undas, Pasko at Bagong Taon.
Ngunit bago ito ayon kay Albayalde, kasama na sa kanilang mga paghahanda ang nalalapit na ASEAN Summit sa Nobyembre kung saan, magtitipun-tipon ang mga pinuno ng iba’t ibang bansa.
Kasunod nito, nilinaw ni Albayalde na wala silang ipatutupad na lockdown ng mga kalsada sa Metro Manila sa kasagsagan ng ASEAN Summit kumpara sa APEC Summit noong 2015.
Gayunman, pinayuhan ni Albayalde ang publiko na iwasan muna ang mga lugar na may kinalaman sa nasabing okasyon.
Be alert
Pinayuhan ng NCRPO ang publiko na mag-doble alerto lalo na sa mga bibiyahe ngayong holiday season.
Ayon kay Albayalde tiyak na maglilipana na naman ang mga masasamang loob at mapagsamantala lalo na sa mga lugar na laging dinaragsa ng publiko.
Gayunman, tiniyak ni Albayalde na magdaragdag sila ng puwersa sa mga strategic points tulad ng mga terminal ng bus, paliparan, pantalan gayundin sa mga mall at simbahan.
By Jaymark Dagala