Tiniyak ng NCRPO o National Capital Region Police Office na hindi kukunsentihin ang mga pulis na nasasangkot sa mga anomalya.
Kasunod ito ng hakbang ng PNP na sibakin ang buong pwersa ng Caloocan City Police at isailalim sa re-training bilang disiplina sa pagkakasangkot sa sunod-sunod na mga kontrobersiya at anomalya.
Ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, hindi moro-moro ang kanilang pasya na suspendihin ang lahat ng tauhan ng Caloocan Police at nanindigang tuluyang tatanggalin sa serbisyo ang mga mapatutunayang nagkasala.
Sinabi pa ni Albayalde na binigyan lamang siya ni PNP Chief Dela Rosa ng dalawang buwan para imbestigahan ang mga kaso ng nga tauhan ng Caloocan Police.
Matatandaang ilan sa mga kinasangkutang kontrobersiya ng Caloocan Police ay ang pagpaslang sa mga binatilyong sina Kian Loyd Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo de Guzman at ang reklamong panloloob sa isang bahay sa nasabing lungsod.
SMW: RPE