Inatasan ni PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang NCRPO para siguruhing mahigpit na naipatutupad ang curfew hours sa sandaling isailalim na sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sasabayan ang pagpapatupad ng pinahabang curfew sa Metro Manila ng mahigpit na border control mula Agosto 6 hanggang Agosto 20.
Ayon kay Eleazar, makatutulong ang pagpapatupad ng mas pinahabang curfew hours para maiwasan ang mga pagtitipon sa mga pamayanan. Inatasan din niya ang mga tauhan ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng curfew.
Ipinunto pa ng PNP Chief, “sa pamamagitan ng curfew, maiiwasan ang pagkakaroon ng mass gatherings, gaya ng mga inuman o iba pang mga salo-salo, na malaki ang posibilidad na maging super spreader events.”
Dagdag pa ng PNP Chief, tutulong din sila sa mahigpit na pagpapatupad ng liquor ban na pina-iiral ng ilang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila. —ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)