Pinatitiyak ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office o NCRPO na hindi dapat maging super spreader event ang mga lugar kung saan ipamamahagi ang mga ayuda.
Ito’y kasunod ng pagsisimula ngayong araw ng pamamahagi ng mga cash aid o ayuda para sa mga residente ng Metro Manila na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ hanggang Agosto 20.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, inatasan na niya ang NCRPO na mahigpit na ipatupad ang health at safety protocols sa mga lugar na una nang tinukoy ng mga Lokal na Pamahalaan kung saan nila ipamamahagi ang ayuda sa kanilang nasasakupan.
Magugunitang hindi mahulugang karayom ang mga vaccination center sa ilang bahagi ng Metro Manila makaraang dagsain ng mga nais magpabakuna dahilan upang kanselahin ang pamamahagi nito.
Sinabi pa ng PNP Chief, dapat alamin ng mga Pulis na ipakakalat sa mga lugar ng cash aid distribution ang sistema at iskedyul upang mapigilan ang pagdagsa ng mga tao.
Kaugnay nito, nag-ikot si Eleazar sa iba’t ibang “Ayuda Centers” sa Metro Manila para tingnan ang sitwasyon at tiyaking maayos ang pamamahagi ruon ng mga ayuda para sa mga kababayang.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)