Mahigit sa 500 pulis ang ipadadala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa New Bilibid Prison upang tumulong at sumuporta sa aggressive and massive reforms na ipatutupad ng Bureau of Corrections (BuCor) sa NBP.
Ayon sa ulat, kabilang sa magiging tungkulin ng mga naturang pulis ay ang siguruhin ang kaligtasan ni BuCor Director General Gerald Bantag at ng iba pang BuCor personnel na magpapatupad ng reporma sa pambansang piitan.
Pinayuhan naman ni NCRPO Major General Guillermo Eleazar ang kanyang mga tauhan na wag sirain ang tiwalang ibinigay sa kanila ng liderato ng BuCor.
Ipinadala aniya doon ang mga NCRPO personnel upang tulungan si Dir-Gen. Bantag na matuldukan ang talamak na kurapsyon at mga iligal na gawain sa loob ng NBP, base narin sa kautusan ni Pang. Duterte.
Matatandaang, itinalaga ni Pang. Rodrigo Duterte si General Gerald Bantag bilang bagong BuCor Chief matapos niyang sibakin sa pwesto si Nicanor Faeldon.