Magkakasa ng summer camp ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa mga matatabang pulis na kailangang magbawas ng timbang at magpapayat.
Ito ang inihayag ni NCRPO Chief Maj/Gen. Debold Sinas ay bilang pagsunod sa kautusan ni PNP Chief Archie Gamboa hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng Body Mass Index (BMI) sa mga pulis.
Ayon kay Sinas, simula sa susunod na buwan ay titipunin ang mga pulis taba na nasa ilalim ng kategoryang obese 2 at 3 para ihanda sa ikinasa nilang weight loss program.
Magsisimula sa buwan ng Marso ang nasabing programa na tatagal ng dalawang buwan kung saan, hindi muna sila papapasukin sa trabaho para tutukan ang pagpapaganda sa kanilang katawan.
Una rito, sinabi ni Sinas na pangungunahan mismo niya ang pagsasailalim sa nasabing programa upang walang maging dahilan para lumusot dito ang iba pang mga pulis. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)