Nananatiling mahigpit ang monitoring ng National Capital Region Police Office o NCRPO sa mga kaganapan kaugnay sa pagdaraos ng kapistahan ng Itim na Nazareno partikular sa traslacion sa Martes, Enero 9.
Muli itong tiniyak sa DWIZ ni NCRPO Director Oscar Albayalde bagamat hindi naman sila nagpapa-kumpiyansa sa ikinakasang seguridad lalo na sa mga sasama sa traslacion.
“Wala po tayong nakukuhang anumang threat pero sabi nga natin hindi po natin puwedeng i-take for granted yan, patuloy pa rin ang pagmo-monitor ng ating mga intelligence operatives, kasama ang NICA at AFP, para paigtingin ang security magpapakalat tayo uniformed at non-uniformed personnel natin during the procession.” Ani Albayalde
Kasabay nito, pinag-iingat ni Albayalde ang mga deboto sa mga kriminal na makikihalo at magsasamantala sa traslacion samantalang pinapayuhan nila ang mga maysakit na lumapit sa mga awtoridad para sa kaukulang medical attention.
“Huwag na po tayong magdala ng ating maliliit na bata, mga anak baka po mahiwalay lang sa atin yan, magdala po tayo ng maraming tubig at pagkain dahil talagang siksikan yan, of course yung mga maysakit, magsabi muna sa health officers natin, may 23 health centers tayo sa iba’t ibang segments in case kailanganin nila ang tulong.” Pahayag ni Albayalde
‘Security’
Kaugnay nito, magde-deploy ang NCRPO ng drones sa prusisyon ng Itim na Nazareno sa Martes.
Ayon kay Albayalde, layon nitong mahigpit na mamonitor ang magiging prusisyon upang matiyak ang seguridad ng mga deboto.
Paliliparin ang naturang drones sa mga kalsada, eskinita at sa mismong ruta ng prusisyon.
Bukod sa drone, magtatalaga din ang NCRPO ng mga sniper mula sa PNP Special Action Force upang maiwasan ang security breach at magkaroon ng mabilisang pag-responde sakaling magkaroon ng terror attack.
Quirino Grandstand
Handa na ang Quirino Grandstand at paligid nito para sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa January 9.
Milyun-milyong deboto ang inaasahang makikiisa sa naturang kapistahan partikular ang tinatawag na traslacion o prusisyon ng imahe ng Black Nazarene.
Bilang bahagi ng paghahanda sa traslacion ay naka-deploy na ang Alpha K9 sa Quirino Grandstand.
Una nang inihayag ni NCRPO Director Oscar Albayalde na kasado na ang kanilang security preparations para sa mga aktibidad kaugnay sa pista ng Itim na Nazareno simula bukas hanggang January 10.
(IZ Balita Interview/ Rianne Briones)