Mas pinaigting na seguridad ang ipatutupad ng NCRPO o National Capital Region Police Office sa pagsisimula ng kampanya ng mga kandidatong senador at party-list groups ngayong araw.
Magpapakalat ng aabot sa 14,000 pulis sa buong Metro Manila kasabay ng pagpapatupad ng mga karagdagang alintuntunin na itinakda naman ng COMELEC o Commision on Elections.
Kasunod nito, nanawagan sa publiko si NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar ng pang-unawa para sa paghihigpit na kanilang ipatutupad.
Nagpaalala rin si Eleazar sa mga kandidatong senador at political groups na makipag-ugnayan sa mga otoridad upang matiyak ang permit sakaling magsasagawa ng political rallies at mga meeting de avance.
Paalala naman nito sa mga pulis sa Metro Manila, manatiling walang kinikilingan sa paghawak ng mga kasong may kinalaman sa pulitika.