Bantay sarado ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa 34 na border controlled points papasok at palabas ng Metro Manila.
Ito’y makaraang itaas na ang Alert Level 3 sa Metro Manila at mga karatig lalawigan nito bunsod ng muling pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa buong bansa.
Ayon kay NCRPO Regional Public Information Office Chief at Spokesperson P/LtC. Jenny Tecson, mahigpit nilang sinasala ang mga dumaraan sa border sa pamamagitan ng pagcheck sa kanilang vaccine cards.
Upang masiguro aniyang lehitimo at hindi pineke ang mga vaccine cards na ipinakikita sa kanila, hinahanapan nila ng ID ang dumaraan sa border at tinitingnan din ito sa database ng National Vaccination Registry.
Giit pa ni Tecson, wala silang pinipili dahil maliban sa random ang kanilang pagche-check ay mas tinututukan din nila ang police visibility bilang panlaban na rin sa krimen at iba pang iligal na gawain. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)