Dumipensa naman si National Capital Region Police Office (NCRPO) director Police Major General Debold Sinas sa reklamo laban sa kaniya ng isang netizen.
Ito’y kaugnay sa Facebook post ng isang Arles Delos Santos hinggil sa ginawang harrassment umano sa kanila ng grupo ni Sinas nitong Sabado ng hapon.
Sa isang pahayag, mariing itinanggi ni Sinas na sinira nila ang gate ng tinutuluyang bahay ng mga Delos Santos taliwas sa paratang ni Arles na siyang nagpost sa Facebook.
Ang lupang kinatitirikan aniya ng bahay ng mga Delos Santos ay binarikadahang parking area ng motorpool building at dati ring tanggapan ng Research and Development Support Unit (RDSU) na nakatakda sanang ayusin para gamiting quarantine facility para sa COVID-19.
Paglilinaw pa ni Sinas, pinayagan si P/EMSgt. Arnel Delos Santos na ama ng complainant na okupahin ang nasabing lupain nuong panahon na aktibo pa ito sa serbisyo.
Subalit, kailangan aniyang bakantehin ni Delos Santos ang nasabing puwesto sakaling magretiro na ito ngunit hindi ito nasunod at sa halip ay nanatili pa rin ito.
Sa huli, sinabi ni Sinas na patuloy aniya ang kanilang pakikipag-usap sa pamilya ni Delos Santos para makuha ang nasabing lupain at handa silang tumulong para ilipat ito sa ibang lugar.