Nagpatupad ng bagong security scheme ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa thanksgiving procession ng Itim na Nazareno, ngayong Lunes, ika-30 ng Disyembre.
Ayon kay NCRPO Acting Chief Brig. General Debold Sinas, gagayahin nila ang inilalatag na seguridad sa taunang Sinulog Festival.
Layunin aniya nitong mas mapaikli ang oras ng prusisyon dahil matutugunan ang overcrowding o pagsisiksikan ng mga tao sa rutang dadaanan ng Itim na Nazareno.
Kasunod nito, sinabi ni Sinas na target nilang umikli sa anim na oras mula sa dating 10 oras ang takbo ng prusisyon.
Dagdag ni Sinas, oras na magtagumpay ang kanilang bagong security scheme, kanila na rin itong gagamitin sa gaganaping traslacion ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church sa ika-9 ng Enero.