Positibo sa paggamit ng droga ang 16 na mga pulis at 1 civilian employee makaraang sumailalim ang mga ito sa random drug testing ng NCRPO nitong nakaraang mga araw.
Ayon kay NCRPO Director, Police Major General Debold Sinas, pumalo na sa kabuuang 20,231 na kanilang mga tauhan ang sumailalim sa drug testing.
Ani Sinas, kinilala ang ilan sa mga nagpositibo sa drug test bilang sina Police Lt. Rodel Torres na nakatalaga sa Muntinlupa City at sina Patrolmen Robert Lozano Buenavente, Marcos Guillermo Laggui habang ang contractual employee naman ay si Lucia Agtalao na pawang mga napatunayang gumagamit ng shabu.
Kasunod nito, isasailalim pa sa confirmatory test ang mga pulis na nagpositibo sa naunang drug test, at iimbestigahan din ang mga ito.
Habang ang naturang civilian employee naman ay agad nang ipinasisibak sa pwesto.
Samantala, ayon sa hepe ng NCRPO, ay ginawang drug test ay bilang bahagi ng ‘internal cleansing’ sa hanay ng pulisya.