Nagsimula nang maghanap ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mga pulis na isasabak sa pagbabalik nila sa war on drugs.
Sinabi ni NCRPO Director Oscar Albayalde na pinakilos na niya ang district directors sa Metro Manila na maging istrikto sa pagpili ng mga ilalagay sa kanilang anti – drug units at tiyaking kuwalipikado, sanay at disiplinado ang mga ito.
Nangako si Albayalde na hindi na mauulit ang mga pagkakamali nila noon at sa katunayan ay handa aniya siyang isailalim ang mga pulis sa Metro Manila sa retraining at refresher course sa human rights.
Ipinag – utos na din ni Albayalde ang pagsusuot ng body camera sa lahat ng operatibang sasabak sa mga operasyon lalo na ang may kinalaman sa droga.
Kung wala pang body camera, inihayag ni Albayalde na magpapadala ang NCRPO ng camera man at kung wala pa rin ito, mag – iimbita aniya sila ng barangay o media para saksihan ang operasyon.