Paiigtingin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbabantay ng kanilang social distancing patrols kasabay nang umiiral na general community quarantine (GCQ).
Sinabi ni NCRPO director Police Major General Debold Sinas na susuyurin nila maging ang maliliit na negosyo o establishment para tiyaking nasusunod ang physical distancing na bahagi ng quarantine protocols.
Tungkulin anila ng kanilang social distancing patrols na sawayin ang mga taong hindi sumusunod dito at maiwasang mauwi sa kumpulan ang pagbili ng mga customer ng essential goods.
Maliban dito dadagdagan din ng NCRPO ang kanilang foot patrols na tututok naman sa krimen sa paligid para hindi na tumaas pa ito sa kabila nang pagluluwag ng quarantine rules.
Ibinida ni Sinas na sa unang dalawang araw nang pagpapairal ng GCQ sa Metro Manila ay wala namang untoward incident silang naitala bagamat nakikita nila ang problema na maraming manggagawa ang wala pa ring masakyan patungo sa kanilang mga trabaho at pauwi. —ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)