Pinayuhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko na maging alerto sa paggunita sa araw ng mga patay.
Pinaalalahanan ni NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang taumbayan na i-secure muna ang kanilang mga bahay bago mag bakasyon o umuwi ng mga lalawigan sa susunod na linggo lalo na’t long weekend pa natapat ang undas.
Dapat aniyang matiyak na naka-lock ng maayos ang mga pinto ng bahay at may alarm system bukod sa malaking tulong ang mga grills sa mga bintana.
Kasabay nito, ipinabatid ni Eleazar ang mahigit 3,000 pulis na ipapakalat nila sa Metro Manila para matiyak ang kaayusan sa paggunita sa undas.
Nakikipag-ugnayan na aniya sila sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil tututukan din nila ang iba’t-ibang transportation terminals maliban sa mga sementeryo.