Pinaplantsa na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang paghahanda para sa kanilang security plans upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa pasukan.
Nagbigay na ng direktiba si NCRPO regional director Joel Pagdilao sa lahat ng district directors, chiefs of police at station commanders na higit pang paigtingin ang police visibility gayundin ang mahigpit na monitoring para sa isang maayos na pagbubukas ng klase.
Partikular na pinatutukan ni Pagdilao sa kanyang mga tauhan ay ang pagbibigay seguridad sa mga etudyante mula sa mga posibleng pag-atake ng mga masasamang elemento tulad ng mga holdapers at snatchers.
Gayundin ang pagtulong sa Department of Trade and Industry (DTI) sa price monitoring ng mga gamit sa eskuwela dahil sa posibleng pagsasamantala ng ilang negosyante at ang pagtulong sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pangangasiwa ng daloy ng trapiko partikular sa mga school zones.
By: Mariboy Ysibido