Ikinakasa ng NCRPO o National Capital Region Police office ang isang pulong sa mga pro at anti – Duterte groups bilang paghahanda sa ika-apat na SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 22.
Ayon kay NCRPO Chief Police Maj/Gen. Guillermo Eleazar, layon ng naturang pulong na matiyak na magiging maayos at mapayapa ang mga isasagawang mga pagkilos bago hanggang sa matapos ang SONA.
Bagama’t wala nang ilalatag na mga container vans sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, nagbabala naman si Eleazar sa mga pasaway na kakastiguhin sakaling magtangka ang mga ito na manggulo.
Una nang inihayag ni PNP Chief B/Gen. Oscar Albayalde na aabot sa 9,000 pulis ang ipakakalat sa paligid ng Batasang Pambansa na kinabibilangan ng mga police contingents mula sa NCRPO gayundin sa Region 3 at Region 4-A bilang force multipliers.