Walang namomonitor na anumang banta sa kalakhang Maynila ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ngayong Semana Santa.
Ito ang inihayag ni NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar kasabay ng pagtitiyak ng mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa mga pampublikong lugar sa Mahal na Araw.
Ayon kay Eleazar, mahigit isang libong (1,000) mga pulis ang kanilang ipakakalat sa Metro Manila simula Abril 15.
Itatalaga aniya ang mga ito sa mga simbahan kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga magsasagawa ng Visita Iglesia at iba pang aktibidad sa Semana Santa gayundin sa mga terminal na dadagsain naman ng mga uuwi para sa mga lalawigan.
Sinabi pa ni Eleazar, magde-deploy din sila ng mga force multiplier na tutulong sa mga pulis na magbabantay naman sa mga kabahayan.
Sa ngayon aniya ay nasa heightened alert na ang Metro Manila lalo na’t marami na rin aniya ang nagtutungo sa pilgrimage sites.
—-