Hindi hahayaang makalusot ng mga awtoridad ang alinmang teroristang grupo na makapaghasik ng lagim at karahasan sa kasagsagan ng traslacion ng Itim na Nazareno sa Miyerkules, Enero 9.
Ito ang muling tiniyak ng NCRPO o National Capital Region Police Office bagama’t wala namang anumang banta silang natatanggap hinggil na rin sa usapin ng seguridad.
Sa panayam ng DWIZ kay NCRPO Chief /Dir. Guillermo Eleazar, binigyang diin nito na hindi makakaya ng PNP lamang ang pagbabantay kung hindi kailangan din nila ang tulong dito ng publiko.
“Napakalaking activities po ito kaya hindi lamang ang ating kapulisan ang naghanda rito, tayo ay tinutulungan nang mabuti ng Armed Forces of the Philippines and other security agencies kaya po pinaghahandaan natin yan at tayo ay nakikiusap din naman at nananawagan sa ating mga kababayan na maging bahagi ng monitoring at sinasabi nga po natin na dapat tayo ay maging alerto, vigilant, at kung meron tayong mapansin na mga kahina-hinalang bagay o pangyayari, o mga tao na nakasalamuha, ito ay agad ipagbigay alam sa amin.”
Una nang inihayag ni Eleazar na aabot sa 7,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad kaugnay ng traslacion.
Kasunod nito, nagpaliwanag din si Eleazar hinggil sa pagbabawal nila sa mga media networks hinggil sa paggamit ng drone gayundin ang pagpatay sa signal ng komunikasyon sa kasagsagan ng prusisyon.
“Sa ating security protocol, kagaya ng mga lumilipad na ganyan, wala tayong control at wala tayong direct supervision, eh pwede hong masingitan ng mga taong gustong maghasik ng karahasan kaya lahat po ng mga yan ay tinitingnan po natin para po masiguro natin nang magkaroon po ng maayos na pagdaraos nitong ating mga programa.”
(from Todong Nationwide Talakayan interview)