Tinatayang nasa 27,000 mga pulis ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong lungsod ng Maynila nayong araw.
Ito’y para alalayan ang mga pulis mula sa Manila Police District (MPD) sa pagtitiyak ng seguridad ng mga deboto ngayong ginugunita ang traslacion 2021.
Ayon kay NCRPO Director P/BGen. Vicente Danao Jr., mula aniya ang 20,000 pulis sa iba’t ibang unit ng NCRPO habang pitong libo naman ang nagmula sa MPD.
Bagama’t kanselado ang ilang pisikal na aktibidad tulad ng tradisyunal na prusisyon ng poong itim na Nazareno, aminado si Danao na malaking hamon sa kanila ngayon kung paano pananatilihin ang physical distancing sa mga deboto.
Maliban sa simbahan ng Quiapo, maaari ring dumalo ang mga deboto sa mga isasagawang misa sa San Sebastian Basilica, Sta. Cruz Chruch at Nazarene Catholic School Gymnasium.
Umapela rin si Danao sa publiko na hangga’t maaari ay sundin ang mga ipinatutupad na minimum health protocols upang maiwasan ang pagkakaroon ng pinangangambahang “super spreader” ng virus.