Isinailalim na sa inquest proceedings sa Camp Crame, Quezon City sina NDF Consultant Rafael Baylosis at umano’y NPA member na si Guillermo Roque matapos arestuhin sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Nasakote sina Baylosis at Roque ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-NCR matapos makatanggap ng mga ulat na may namataang mga kahina-hinalang armadong lalaki sa boundary ng mga lungsod ng Maynila at Quezon.
Ayon kay PNP-CIDG-NCR Chief, Senior Supt. Wilson Asueta, bagaman walang warrant of arrest sina Baylosis, nakitaan naman nila ng baril ang dalawa sa isinagawang surveillance batay sa impormasyon mula sa isang confidential informant.
Wala rin anya silang ideya kung sino ang mga kahina-hinalang lalaki na kalauna’y nakilalang sina Baylosis at Roque.
Narekober mula sa mga rebelde ang dalawang caliber 45 pistols at granada na itinago sa eco-bag na puno ng brown rice.