Walang inirekomendang piyansa ang piskalya sa naarestong NDF consultant na si Rafael Baylosis gayundin sa kasamahan nitong si Guillermo Roque.
Ito ay dahil sa kasong Illegal Possession of Explosives na kinakaraharap ng mga ito ngayon.
Gayunman, nagrekomenda ang piskalaya ng P120,000.00 piyansa para naman sa kasong Illegal Possesion of Firearms ng dalawa.
Batay sa nakalap na impormasyon ng DWIZ, nakita ng prosecutor na naayon sa batas ang pagkakaresto kina Baylosis at may sapat na ebidenysa para isalang ang mga ito sa paglilitis.
Kagabi, Pebrero 1, isinagawa ang inquest proceedings kina Baylosis sa Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG–NCR) Office sa Camp Crame.
Nakatakdang sampahan ng kaso sina Baylosis sa Lunes, Pebrero 5, sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).
Samantala, inilipat na ng kulungan sina Baylosis at Roque ngayong hapon, Pebrero 2, mula sa CIDG – NCR detention cell, patungo sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa loob pa rin ng Camp Crame.
Karagdagang kaso vs Baylosis
Madadagdagan pa ang kasong kinakaharap ngayon ng naarestong NDF Consultatnt na si Rafael Baylosis.
Ito ay matapos siyang tumangging sumailalim sa medical examination at booking procedure o pagkuha ng mug shot at fingerprint na isang regular na proseso ng CIDG sa mga naaaresto.
Dahil dito, sinabi ni CIDG–NCR Chief, Senior Superintendet Wilson Asueta na sasampahan nila ng kasong Disobedience to Lawful Order si Baylosis.
Ito ay karagdagang kaso mula sa Illegal Possession of Firearms at Explosives na kinakaharap na nito.