Iginiit ng National Democratic Front o NDF na ang Armed Forces of the Philippines o AFP ang dahilan kaya’t naantala ang pagdideklara ng sariling tigil-putukan ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Ayon kay Luis Jalandoni, punong negosyador ng NDF, nakatanggap sila ng ulat mula sa New People’s Army o NPA na ang militar ang siyang lumabag sa idineklarang ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Jalandoni na itinuloy pa rin ng militar ang kanilang opensiba laban sa kanilang hanay kahit pa may umiiral nang tigil putukan ang pamahalaan.
Ito aniya ang naging dahilan kaya’t kinailangan pa ng maraming oras ng kanilang hanay para sumunod sa deklarasyon ng Pangulong Duterte.
Samantala, nababahala ang AFP sa mga inilalabas na pahayag ng CPP-NPA-NDF kaugnay sa umano’y hindi pagsunod ng militar sa idineklarang tigil-putukan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang diin ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, na sinsero ang militar sa iniutos na ceasefire at sa katunayan, gabi palang ng SONA ng Pangulo ay nilagdaan na ni AFP Chief of Staff Gen. Ricardo Visaya ang suspension of military operations.
Sinabi ni Padilla na kung tutuusin, ang NPA ang hindi rumespeto sa ceasefire dahil dalawang araw palang matapos ito iutos ng Pangulo ay pinasabog na nila ang landmine sa dadaanan ng CAFGU pabalik sa kanilang kampo sa Davao del Norte.
Nasundan pa aniya ito ng pananambang sa Agusan del Norte, kung saan hindi din nila tinugis ang mga rebelde.
By Jaymark Dagala | Katrina Valle