Bukas ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na buhayin ang peace talks sa pagitan nila at ng gobyerno kahit wala pang inilalatag na “preconditions” dito.
Ayon kay Fidel Agcaoili, Chief Negotiator ng NDFP, hawak pa rin nila ang draft ng mga dokumento na sana ay pag-uusapan nila ng pamahalaan kung hindi nakansela ang peace talks noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Kung natuloy lamang aniya sana ang mga pagpupulong nila noon ay tiyak na tinatamasa na ngayon ng bansa ang “unilateral coordinated ceasefire”.
Gayunman, iginiit ni Agcaoili na magiging balakid sa usapang pangkapayapaan ang pagdedeklara ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) bilang terorista.
—-