Nananatiling bukas pa rin ang pintuan ng NDFP o National Democratic Front of the Philippines para sa usapang pangkapayapaan sa pagitan nila at ng pamahalaan.
Ito’y ayon kay NDFP Consultant Jose Maria Sison ay kung gugustuhin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos tuldukan nito ang negosasyon dahil sa sunud-sunod na pag-atake ng mga rebelde habang nagpapatuloy ang usapan.
Ginawa ni Sison ang pahayag bilang reaksyon sa panawagan ni Pangulong Duterte sa mga rebelde na nasa kabundukan na ibaba na ang armas at magbalik loob na sa pamahalaan.
Una nang binatikos ni Sison ang panliligaw na ginagawa ng pangulo sa mga miyembro ng NPA na anito’y bahagi ng psychological warfare umano ng administrasyon.
Pahayag ni Joma tungkol sa peacetalks, sinopla ng Malakaniyang
Nagmatigas naman ang Malakaniyang na hindi na makikipag-usap pa ang pamahalaan sa mga matataas na pinuno ng komunistang grupo.
Iyan ang inihayag ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo makaraang ihayag ni National Democratic Front of the Philippines Consultant Jose Maria Sison na bukas pa rin sila sa negosasyon kung gugustuhin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Panelo, ang alok aniya ng pangulo ay nakalaan lamang sa mga rebelde sa kabundukan na naghahangad ng maayos at tahimik na buhay sa kapatagan.
Partikular na tinukoy ni Panelo na ang mga tinawag na kaibigang rebelde ng pangulo ay iyong mga sumuporta sa kaniya noong halalan kung saan karamihan sa mga ito’y nagbalik loob na.