Nananatili sa dalawamput’anim (26) ang kumpirmadong patay sa pananalasa ng bagyong Urduja sa bansa.
Ayon kay Mina Marasigan, Spokesperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, 18 sa casualties ay naitala sa Biliran, 5 sa Eastern Samar, 2 sa Samar at isa sa Leyte na karamihan ay nasawi dahil sa landslides.
Umakyat naman sa 46 katao ang kasalukuyan pang nawawala at mahigit 30 naman ang sugatan matapos maaksidente sa kalsada at mabagsakan ng mga debris.
Aabot din sa 44,000 pamilya ang mga nasa evacuation centers ngayon sa Bicol Region, Western, Eastern at Central Visayas, MIMAROPA at Caraga.
Idinagdag ni Marasigan na nananatiling naka-red alert ang NDRRMC at patuloy na naka-monitor lalo’t may isa pang sama ng panahon na inaasahang papasok din sa Philippine Area of Responsibility o PAR.
Bukas pa tuluyang lalabas ng bansa ang bagyong Urduja.
Sa ngayon ayon kay Marasigan ay nabawasan na ang bilang ng mga stranded na pasahero sa mga pantalan partikular sa Bicol Region at Eastern Visayas ports.
Ngayong hapon ay personal namang aalamin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalagayan ng mga residente sa Biliran matapos na manalasa ang bagyong Urduja sa lugar.
Sinasabing 98 porsyento ng sektor ng agrikultura sa Eastern Samar at Visayas ay nasira ng bagyo.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 4 na nasirang tulay na kasalukuyang hindi madaanan sa Biliran, Leyte at Samar, 48 totally damaged houses at 101 partially damaged houses naman sa Region 8 at Caraga.
(Ulat ni Jonathan Andal)