Pinatitiyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lokal na pamahalaan ang pagtitiyak na nasusunod na pa rin ang social distancing sa mga evacuation center.
Ito’y kasunod pa rin ng naging pananalasa ng bagyong Ambo sa Eastern Visayas, Bicol Region, Southern Tagalog Region, Metro Manila, Central Luzon at Cagayan Valley Region.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Mark Timbal, aminado silang kakaiba ang sitwasyon sa kasalukuyan lalo’t natapat ang pananalasa ng bagyo sa gitna ng pandemya sa COVID-19.
Paliwanag ni Timbal, posible kasing malabag ang mga quarantine protocol kung magdidikit-dikit ang mga pamilyang inilikas dahil sa bagyo na posibleng magdulot ng hawaan ng sakit dulot ng virus
Maliban sa social distancing, kailangan ding naka-facemask ang mga nagsilikas at dapat ay nakasuot ng personal protective equipment (PPE) ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na nangangasiwa sa paglilikas.
Kailangan ding gamitin ang iba pang mga lugar tulad ng multi – purpose hall at covered court na hindi naman ginagamit bilang quarantine facility.