Papalo na sa walo (8) ang patay sa pananalasa ng bagyong Nona sa bansa.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, maliban sa mga nasawi nakapagtala din ng 12 sugatan dahil sa bagyo.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, aabot sa mahigit 109,000 kabahayan ang nasira sa paghagupit ng bagyong Nona.
Sumipa naman sa mahigit P320 milyong piso ang pinsalang idinulot ng bagyo sa sektor ng agrikultura at imprastraktura.
Samantala, kasalukuyang nasa state of calamity ang mga lalawigan ng Sorsogon at Albay.
Nasa dalawang siyudad naman at 38 munisipalidad ang wala pa ring suplay ng kuryente kung saan inaasahang maibabalik ito sa loob pa ng anim na araw.
By Ralph Obina