Inirekomenda na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng state of calamity sa Boracay.
Ito ang napagkasunduan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa special council meeting sa Camp Aguinaldo sa pangunguna ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ayon kay Lorenzana, ang kasalukuyang kondisyon ng Boracay at ang nakatakdang pagsasara nito ng 6 na buwan ang dahilan ng kanilang rekomendasyon.
Isang taong state of calamity ang inihihirit ng NDRRMC para sa mga barangay ng Balabag, Manoc-Manoc, at Yapak sa Malay, Aklan na siyang nakakasakop sa isla.
Sa ilalim ng state of calamity, magagamit ng lokal na pamahalaan ang kanilang calamity fund, makapagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin at makakautang sa gobyerno nang walang interes ang mga residente.