Nanindigan si Mina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC na walang masama sa ginawang maagang pagpigil ng mga awtoridad sa biyahe mula sa mga pantalan.
Ito ay matapos umalma ang ilan sa hindi pagpayag sa kanilang bumiyahe, dahilan para hindi sila makapag-Pasko sa piling ng kanilang pamilya.
Binigyang diin ni Marasigan na mas mabuting hindi sila nakapag-Pasko kasama ng kanilang pamilya, dahil mayroon pa rin silang pagkakataon na makasama ang mga ito sa Bagong Taon.
Stranded passengers
Libu-libong pasahero ang istranded sa iba’t ibang pantalan sa Luzon at Visayas dulot ng pananalasa ng bagyong Nina.
Batay sa tala ng Philippine Coast Guard, nasa 12,019 katao ang stranded sa mga pantalan ng southern Tagalog, Bicol, central Visayas, eastern Visayas at western Visayas.
Maliban dito, istranded din ang may 1,067 rolling cargoes, 45 vessels at 6 na bangkang de motor.
Sa ulat ng PAGASA, asahan ang may 3.4 hanggang 4.5 metrong taas ng alon sa bahagi ng northern Luzon.
Red alert
Nagdeklara na ng red alert ang NDRRMC o National Disaster Risk Reduction Management Council sa harap ng patuloy na pagbayo ng bagyong Nina.
Ibig sabihin, buong pwersa ng operations center ng NDRRMC ang nakatutok na sa paggalaw at epekto ng bagyo at kanselado ang kanilang mga bakasyon.
Batay sa pinakahuling situation report ng NDRRMC, nasa 218,000 inidibidwal o katumbas ng 44,000 pamilya na ang inilikas sa Region 5 at 8.
Nasa mahigit 12,000 katao naman ang stranded pa rin ngayon sa mga pantalan.
Samantala, mula pa kaninang umaga ay nagsagawa na ng preemptive evacuation sa mga bayan ng Taal, Calaca at San Juan sa Batangas at maging sa Batangas City.
Tiniyak ng NDRRMC ang sapat na suplay ng pagkain para sa mga evacuees mula sa DSWD.
Nasa 879 million pesos ang kabuuang standby funds at food packs ang DSWD, ilan sa mga ito ay naipamahagi na sa mga evacuation center at maging sa mga inabutan ng Pasko at nag-noche buena sa mga pantalan.
Nagsagawa naman ng preventive shut down ang mga electric company sa Camarines Sur at Catanduanes.
Naapektuhan naman ng pananalasa ng bagyo ang pitong transmission lines sa southern Luzon kayat inaabisuhan ang mga residente doon na maghanda sa brownout.
Samantala, kabilang sa nakaranas na ng power outage sa lalawigan ng Batangas ang mga bayan ng Rosario, San Jose, Malvar, Agoncillo, Tanauan City, Balete, Lobo at San Juan.
By Katrina Valle | Ratsada Balita | Ralph Obina | Len Aguirre | Jonathan Andal (Patrol 31)