Mahigpit na nakabantay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa lahat ng mga lugar na apektado ng malakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, apektado ng habagat ang Mimaropa, Metro Manila, kanlurang bahagi ng Luzon at Western Visayas kung saan naitala ang mga pagbaha at landslides.
Maliban dito, mino-monitor din ng ahensya ang bahagi ng Calabarzon, Cavite, Batangas, Zambales at Bataan.
Sa ngayon, wala pang naitatalang casualties ang NDRRMC sa mga lugar na apektado ng habagat.
Patuloy na nagpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon ang habagat at isa pang sama ng panahon sa may bahagi ng Aparri, Cagayan ang binabantayan ngayon ng PAGASA.
Flooded areas
Binaha ang ilang lugar sa bansa dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan bunsod ng hanging habagat na pinalakas pa ng bagyong Henry.
Lagpas tao ang bahang inabot ng mga residente ng barangay Roxas District sa Quezon City.
Dahil dito, nagtulungan na sa pagsagip sa mga residente ang pamahalaang lokal at ilang ahensya ng gobyerno gaya ng Pasig River Rehabilitation Commission.
Inilikas din ng pamahalaang lokas ang nasa 30 pamilya na residente ng barangay Roxas, barangay Santa Cruz at barangay Damayan na nakaranas din ng pagbaha.
Nagmistulang swimming pool din ang ilang pangunahing kalsada gaya ng NS Amoranto Street at E. Rodriguez.
Sa Araneta Avenue naman ay malaking sasakyan na lang ang nakadaan dahil sa mataas na rin ang tubig.
Hindi rin nakaligtas sa baha ang ilang karatig probinsya gaya ng isang subdivision sa Cainta, Rizal, ilang barangay sa Marilao, Santa Maria, Meycuayan, Hagonoy at Bulakan, Bulacan.
Gayundin ang ilang lugar sa bataan na kinabibilangan ng Hermosa, Bucay, Balanga, Dinalupihan, Mariveles, Morong at Orani.—Jennelyn Valencia
—-