Opisyal na manunungkulan bilang punong tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) si Defense Dir. Peter Galvez.
Si Galvez ay dati nang nagsilbing tagapagsalita ng Defense Department bago ang kasalukuyang Spokesman nito na si Dir. Arsenio Andolong
Ayon sa ngayo’y NDRRMC Deputy Spokesman Mark Timbal, mananatili pa rin siya bilang Spokesman para sa Office of the Civil Defense para sagutin ang tanong ng media hinggil sa epekto ng kalamidad sa bansa.
Napagkasunduan sa naging pulong ng Disaster Response Cluster sa pamumuno ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na magtalaga ng hiwalay na tagapagsalita para sa dalawang ahensya.
Minarapat ito ng Kalihim upang mapalakas pang lalo ang pagpapakalat nila ng impormasyon at babala sa publiko hinggil sa mga epektong dulot ng mga nararanasang kalamidad sa bansa.
Dahil dito, tatlo na ang tatayong tagapagsalita ng NDRRMC sa pangunguna ni Galvez gayundin sila Timbal at Deputy Spokesperson nito na si Rachelle Miranda. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)