Iginiit ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi galing sa kanila ang anumang hirit, utos o hakbang para pigilan ang Philippine National Police (PNP) sa paglalabas ng death toll dahil sa bagyong Odette.
Ito’y makaraang lumikha ng kalituhan at debate ang tila magkasalungat na datos ng PNP at NDRRMC sa bilang ng mga nasasawi, nasusugatan at nawawala dahil sa bagyo.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Mark Timbal, wala silang inilalabas na kahilingan o kautusan sa mga Pulis na huwag nang maglabas ng bilang ng casualties at naniniwala silang nasa pagpapasya ito ng PNP.
Una rito, sinabi ni PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba na hindi na sila maglalabas ng datos sa mga casualties upang bigyang daan ang NDRRMC at ang Office of the Civil Defense (OCD) na maglabas ng opisyal na bilang.
Ayon kay Alba, kanila na lamang isusumite sa DILG ang nakakalap nilang bilang mula sa mga blotter para siyang pagbasehan naman ng verification process ng OCD upang mabatid kung ito’y may kinalaman sa nagdaang bagyo. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)