Muling hinihinkayat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na lumahok at makiisa sa 2nd Quarter Online at Nationwide Simultaneous Earthquake Drill sa ika-10 ng Hunyo.
Ayon sa NDRRMC, layon nitong palakasin pa ang kamalayan ng bawat Pilipino sa pagtugon tuwing may sumasapit na sakuna sa bansa partikular na ang pinangangambahang “The Big One”.
Una nang sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na hindi dapat makalimutan ng publiko ang paghahanda sa anumang klase ng kalamidad dahil ito ang nagiging mitsa ng pagkawala ng maraming buhay.
Isasagawa ang nasabing Earthquake Drill ganap na ika-9 ng umaga sa pamamagitan ng ceremonial pressing of the button na pangungunahan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana at ng iba pang opisyal ng Office of the Civil Defense at NDRRMC.
Mapapanood ang naturang programa via online partikular na sa facebook pages ng NDRRMC at OCD kaya’t hinihimok ang lahat na sumabay sa duck, cover and hold sa mga tahanan, opisina o kahit saan man.
Marso nang isagawa ang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill para sa unang bahagi ng taon kung saan, marami sa mga Pilipino ang nakiisa.