Nananatiling nasa red alert status pa rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Ito’y bagama’t humupa na ang baha sa ilang lugar sa Kamaynilaan.
Ibig sabihin ay nakaantabay pa rin 24 oras sa epekto ng masamang panahon ang lahat ng ahensya sa ilalim ng NDRRMC.
Kasabay nito, tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na handa ang kanilang tanggapan na umayuda sakaling hindi na kayanin ng mga lokal na pamahalaan tugunan ang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng baha.
Sa panayam ng DWIZ kay DSWD Secretary Virginia Orogo, kaniyang sinabi na may mga nabigyan na sila ng tulong tulad ng Marikina City at ilang bayan sa region 4-A o Calabarzon na matinding sinalanta ng mga pagbaha bunsod ng habagat.
“Pwede na po nilang gamitin kasi sila yung unang reresponde lalo na pag sa rescue atsaka pag nailagay na yung mga tao sa mga evacuation center. Ngayon po, pag sila ay kailangan ng augmentation, kung sakaling magkulang, naka-antabay naman po kami, nakahanda yung ating mga regional office para sa mga relief goods kung kailangan nila at iba pang kailangan sa paglipat sa evacuation center.”
(Todong Nationwide Talakayan interview)