Naghahanda na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa posibleng pananalasa ng Bagyong Paeng sa Luzon at Visayas.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni NDRRMC Spokesperson at Asec. Raffy Alejandro, patuloy nilang binabantayan ang galaw ng bagyo kasabay ng paglalagay ng mahigit 700 mga tauhan para umalalay sa mga lugar na maaapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay Alejandro maging ang iba pang ahensya ng gobyerno kabilang na ang DSWD, at OCD, ay naglaan narin ng standby funds, food packs, at iba pang food items na ipamamahagi sa mga tatamaan ng Bagyong Paeng.
Sinabi ni Alejandro na nakared alert na ang buong ahensya, bilang pagpapakita ng kahandaan sa sakaling manalasa ang nasabing bagyo partikular na sa bahagi ng Luzon.
Iginiit din ni Alejandro na sakaling mas lumakas pa ang mga pag-ulan na dala ni Bagyong Paeng, posible itong magresulta ng pag-apaw ng lahar sa mga bulkan na nasa Luzon.