Naka-blue alert na ang mga lokal na tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na inaasahang maaapektuhan ng bagyong Domeng.
Ayon kay Office of Civil Defense Spokesperosn Atty. Kristoffer James Purisima, nakaalerto na ngayon ang local DRMM councils sa Calabarzon, Mimaropa, Ilocos region, at mga lalawigan ng Zambales at Bataan.
Inatasan na ang mga ito na magsagawa ng kaukulang paghahanda, habang ang Department of Interior and Local Government o DILG naman ay nagpalabas na ng advisories sa mga lokal na pamahalaan.
Tiniyak din ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na may nakahandang standby funds at food and non-food items.
Huling namataan ang LPA sa silangan ng Surigao del Norte at papangalanang bagyong Domeng oras na lumakas ito.
Bagama’t hindi inaasahang mag-landfall ang naturang sama ng panahon, inaasahan ng NDRRMC ang katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan sa western section ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, Ilocos region, at mga lalawigan ng Zambales at Bataan simula sa Huwebes hanggang Linggo.
—-