Nananatili sa red alert ang alert status ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction Management Council sa kabila ng paglabas na ng bansa ng bagyong Karen.
Ayon kay NDRMMC Executive Director Ricardo Jalad, ito’y bilang paghahanda nila sa pagpasok sa bansa ng bagyong Lawin.
Sa ngayon anya ay patuloy ang ginagawa nilang beripikasyon sa mga nakalap nilang insidente sa mga apektadong rehiyon tulad ng Regions 1, 2,3,5 at Cordillera Administrative Region.
Kabilang dito ang pagkamatay ng tatlo katao sa Catanduanes area.
Napag-alaman kay Jalad na umabot sa mahigit 52,000 katao ang nailikas subalit karamihan anya rito ay preemptive evacuation kayat marami ang nakabalik na rin sa kani-kanilang tahanan.
Bahagi ng pahayag ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad
Bagyong Lawin
Ibinabala ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction Management Council na posibleng mas malakas ang papasok na bagyong Lawin.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, ganap nang bagyo ang bagyong Lawin kahit sa panahong nasa labas pa ito ng bansa hindi katulad ng bagyong Karen na naging ganap na bagyo lamang sa loob na ng Pilipinas.
Dahil dito, mahaba anya ang panahon ng bagyong Lawin para lalo pang magpalakas.
Sa kabila nito, tiniyak ni Jalad na handa ang NDRRMC para tugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
Bahagi ng pahayag ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad
By Len Aguirre | Ratsada Balita